-- Advertisements --

Isinusulong ni Senate President Vicente Sotto III ang panukala na naglalayong palitan ang pangalan ng Roosevelt Avenue sa Quezon City.

Ayon kay Sotto, dapat itong ipangalan sa yumaong batikang aktor na si Fernando Poe Jr. o mas kilala bilang si FPJ dahil dito siya lumaki.

Dagdag pa ng senate president, pinaalam na niya ang planong pag-amyneda sa nasabing panukala kay Senator Lito Lapid.

Nakatakda rin niyang ilatag ito sa plenary session ng Senado.

Nasabi na rin aniya nito kay Sen. Manny Pacquiao ang kaniyang balak dahil ito ang Chairman ng Committee on Public works at siya rin ang magiging sponsor ng naturang panukala.

Hindi naman daw nagdalawang isip ang senador na suportahan si Sotto.

Magugunita na inihain ni Sen. Lapid ang Senate Bill No. 1822 na naglalayong palitan ang pangalan ng Del Monte Avenue bilang Fernando Poe Jr., Ave. Kaagad naman itong pinalusot ng Senate public works committee.

Subalit inalamahan ito ng mga Franciscan priests. Ayon kay Fr. Cielo Almazan, minister provincial ng Philippine Franciscans, itinayo ang kauna-unahang Christian community sa San Francisco del Monte kaya hindi maaaring gawin ito ng Senado.

Ibig sabihin lang aniya nito ay sagrado sa civic at religious history ang historical names sa Quezon City.