-- Advertisements --

Pormal nang hinirang bilang bagong speaker of the House of Representatives (HOR) si Leyte Representative Martin Romualdez kasabay sa pagbubukas ng 19th Congress.

Ito ay matapos siyang i-nominate ng kaniyang pamangkin at presidential son na si Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos kasabay ng pagsambit nito sa mga kwalipikasyon ni Romualdez bilang isang pinuno na mag-aakay aniya sa lahat patungo sa mas mataas na antas.

Bagay na sinang-ayunan naman ni Batangas Representative Ralph Recto dahil sa mayaman na raw sa karanasan sa loob at labas ng pamahalaan si Romualdez matapos itong maglingkod sa House sa loob ng limang taon bilang majority leader at independent fiscalizer.

Batay sa resulta nang naging eleksyon para sa susunod na manunungkulang speaker of the House, lumabas na umabot sa 282 na mga miyembro sa House ang bumoto kay Romualdez habang nasa apat naman ang nag-abstain, at 22 ang hindi bumoto.

Samantala, sa naturang pagtitipon ay hinirang din si former president at Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo bilang House Senior Deputy Speaker ng 19th Congress habang itinalaga naman bilang deputy speakers sina Representative Isidro Ungab, Roberto Puno, Camille Villar, Kristine Singson Meehan, and Raymond Democrito Mendoza.