-- Advertisements --

Muling humarap sa publiko si Leyte first district Representative Congressman Martin Romualdez, mula nang maiugnay ang kanyang pangalan sa kontrobersiya ng flood control projects matapos na personal na bumisita sa kaniyang nasasakupang distrito sa Leytre, kung saan sinalubong siya ng mainit na pagtanggap mula sa mga lokal na opisyal at residente nitong Sabado.

Sa kanyang pag-iikot, nakipagpulong si Romualdez sa mga residente at lokal na lider sa mga bayan ng Santa Fe, Alangalang, at Tolosa, Leyte. Layunin ng mga pagbisitang ito na ipakita ang kanyang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga nasasakupan sa gitna ng mga isyung kinahaharap.

Ayon sa ilang lokal na opisyal, mahalaga ang personal na presensya ng kongresista upang direktang maiparating ang mga pangangailangan ng kanilang komunidad, kabilang ang imprastruktura, serbisyong panlipunan, at mga programang pangkaunlaran.

Isa sa mga pangunahing aktibidad ng pagbisita ni Romualdez ay ang inspeksyon sa mga proyektong pinondohan sa pamamagitan ng kanyang tanggapan. Sa bayan ng Santa Fe, Leyte, sinuri niya ang bagong tayong pamilihang bayan at gusaling lehislatibo.

Nagpahayag naman ang mambabatas ng optimismo sa patuloy na pag-unlad ng mga bayan sa kanyang distrito. Aniya, sama-samang babangon at uulad ang kaniyang sinasakupang distrito at binigyang-diin na patuloy ang pag-unlad ng Santa Fe at iba pang lugar sa Leyte.

Samantala, umalingawngaw naman ang mga naging pahayag ni Romualdez sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng rehiyon, kabilang ang mga epekto ng kalamidad at ang pangangailangan para sa mas matibay na imprastruktura, partikular sa usapin ng flood control.

Habang patuloy parin binabantayan ng publiko ang kontrobersiya kaugnay ng flood control projects, kung saan nadawit ang pangalan ni Romualdez. Bagamat wala pang pinal na resulta ang anumang imbestigasyon, nananatiling usap-usapan ang isyu sa iba’t ibang sektor.

Sa kabila ng isyu, iginiit ng kanyang mga kaalyado na ang pagbisita ni Romualdez sa kanyang distrito ay patunay ng kanyang patuloy na pagtutok sa serbisyo publiko at sa pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan.