Mariing pinabulaanan ni Majority Leader Martin Romualdez ang umano’y niluluto niyang coup d’etat sa House leadership.
Sa isang statement, sinabi ni Romualdez na kailanman ay hindi niyang naisip na gawin ito.
Mula noong 2019 hanggang sa ngayon ay wala rin aniyang ebidensyang nakitang susuporta sa alegasyon na ito.
Iginiit ni Romualdez na ang focus niya sa ngayon ay nasa 2022 elections, lalo pa at mayroon silang kandidato na tatakbo sa pagka-bise presidente.
Umaapela ang kongresista sa mga nagpapakalat ng alegasyon na ito na itigil na ang pang-iintriga tungkol sa coup d’etat.
Kasabay nito ay naninindigan siyang susunod siya sa gentleman’s agreement na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019 sa pagitan nila ni dating Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano at Speaker Lord Allan Velasco.
Bukod dito, nakatutok din siya sa ngayon sa kanyang trabaho sa Kamara lalo pa ngayong maraming mga mahalagang panukalang batas na kailangan nilang maipasa.