Ipinagmalaki ng liderato ng Kamara na mahigit 2,000 na panukalang batas ang kanilang natalakay sa Second Regular Session ng Kongreso.
Pinuri ni Majority Leader Martin Romualdez ang magandang pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco sa mababang kapulungan kahit pa noong Oktubre lamang ito maupo sa puwesto makalipas na palitan si Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano.
Ayon kay Romualdez, mula Hulyo 22, 2019 hanggang Disyembre 19, 2020 aabot sa 2,598 panukalang batas ang kanilang natalakay sa loob ng 74 session days, kung saan 40 rito ay naging ganap na batas, 16 ang pending sa lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte, at 453 ang aprubado sa ikatlo at huling pagbasa.
Sinabi ni Romualdez na ang average na bilang ng panukalang batas na napoproseso ng Kamara sa kada session day ay 35, habang ang kabuuang bilang naman ng mga panukala at resolusyon na naihain sa naturang period.
“We will not stop working until all the priority measures of the Duterte administration are realized and until the needs of the Filipino people are addressed. We assure the public that their representatives are doing their best to provide them with quality legislation and timely service, and that no resource is wasted,” ani Romualdez.
Kabilang sa mga panukalang naging ganap na batas ay ang Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) at Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).
Isa naman sa mga panukalang nakabinbin na ngayon sa opisina ni Pangulong Duterte ay ang proposed P4.5-trillion 2021 national budget.
Bago mag-adjourn ang kanilang session noong Disyembre 19, naihabol pa ng Kamara ang pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa nang House Bill No. 7904 na nagpapalakas sa Anti-Money Laundering Act, at House Bill No. 8136, o ang proposed Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act.
Lusot na rin sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 6656 na nagpapalawig naman sa availability ng 2020 appropriations hanggang Disyembre 31, 2021, pati rin ang House Bill No. 8063, na nagpapalawig naman sa availability ng Bayanihan 2 funds hanggang Hunyo 30, 2021.