BACOLOD CITY – Kinansela na rin ang malaking marathon sa Italy dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng kumpirmadong kaso ng coronavirus sa nasabing bansa.
Sa pinakahuling datos, umabot na sa 148 ang patay dahil sa coronavirus sa Italy at mahigit 3,200 naman ang nadapuan ng sakit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Jeff Lagos mula sa Rome, inihayag nitong kanselado ang Rome Marathon na nakatakda sana sa Marso 29.
Ito ay kasunod na rin ng inilabas ng pamahalaan na cabinet decree na nagsususpinde sa malalaking pagtitipon at events sa bansa kabilang na rin ang mga sporting events at kompetisyon hanggang Abril 3.
Dahil dito, ang registration fee na binayaran ng mga runners ay ililipat nalang sa susunod na edisyon ng Rome Marathon sa 2021 kung saan dalawang medalya ang tatanggapin ng mga lalahok.
Sa ngayon, umabot na sana sa mahigit 10,000 runners ang nag-sign up na makilahok sa Rome Marathon.
Samantala, hindi pa matitiyak aniya kung maextend ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan na isinara dahil sa COVID-19.
Batay sa utos ng Italian government, hanggang Marso 15 ang closure ng mga paaralan at unibersidad sa bansa.
Nag-abiso na rin ang Philippine Embassy sa mga Pilipino na maging mapagmatyag at panatilihin ang proper hygiene.