Mariing itinanggi ni Bataan Rep. Geraldine Roman na planado ang insidente sa isang mall sa Quezon City na kinasasangkutan ng isang trans woman na pinalabas ng palikuran ng mga babae.
Sa isang panayam, sinabi ni Roman na walang katotohanan ang mga kuro-kuro ng ilan sa social media na ang naturang panyayari ay planado upang makakuha ng suporta sa Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) bill.
Naniniwala raw siya na hindi naman ipapahiya ni Gretchen Custodio Diez ang sarili nito para lamang magpasikat.
Magugunita na noong Martes lang ay pinagbawalan si Diez na gumamit ng restroom ng mga babae sa Cubao.
Pinosasan siya at dinala sa isang police station kasunod ng komprontasyon nila ng isang janitress na nagsabing dapat sa panlalaking restroom ito pumasok.
Samantala, dumipensa naman ang kongresista sa kanyang agarang pagpunta sa Quezon City police station kung saan dinala si Diez.
Ayon kay Roman, patulog na siya noong mga panahon na iyon pero tinawagan daw siya ng mga advocates ng panukala at hiniling sa kanya na pumunta sa naturang police station.
Sinabi nito na kaya siya nagpunta sa police station para bigyan ng moral support si Diez.