-- Advertisements --

Umaasa si Vice President Leni Robredo na marinig sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26 ang tungkol sa kung paano uusad ang bansa mula sa kasalukuyang sitwasyon nito sa harap ng COVID-19 pandemic.

Kagaya ng mga ordinaryong tao, sinabi ni Robredo na kakaiba ang SONA ngayong taon ni Pangulong Duterte dahil bukod sa panghuli na niya ito ay nasa gitna pa rin ng matinding krisis ang bansa.

Inaasahan aniya niya na magkaroon ng mas realistic at honest na assessment sa ngayon hinggil sa kasalukuyang sitwasyon.

Hindi na aniya kailangan na palabasin na maganda ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa dahil ang nais naman talagang marinig ng publiko ay ang totoong assessment hinggil sa mga pagkukulang at problema na kinakaharap ng pamahalaan.

Sa ganitong paraan ay mas maiintindihan ng publiko kung kamusta ang gobyerno at kung ano ang mga ginagawang hakbang sa kabila ng hirap na dulot ng pandemya.

Inirekomenda ng bise presidente na talakayin ni Duterte sa huling SONA nito ang tungkol sa supply ng bakuna ng bansa, gayong ang pandemya pa rin at kung paano makakaahon dito ang iniisip ng taumbayan.

Nais din aniya niyang marinig ang plano ng gobyerno para sa mga nawalan ng hanapbuhay.

Samantala, sinabi ni Robredo na hindi siya makakapunta ng personal sa Batasang Pambansa at manonood na lamang sa pamamagitan ng video teleconferencing.

Magugunita na hindi ito ang unang pagkakataon na hindi makakadalo ng personal si Robredo sa SONA.

Noong nakaraang taong lang ay hindi rin siya inimbithan na pumunta mismo sa Batasang Pambansa dahil 50 guests lamang ang pinayagan.