-- Advertisements --

Pinatitiyak ni Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na may kaakibat na safety measure ang pagluluwag ng panuntunan sa outbound travels.

“Itong health insurance mahalaga, kasi kung naaalala mo, noong paumpisa pa lang itong ECQ—noong paumpisa pa lang dito sa atin noong March—iyong parang mga unang tinamaan galing sa mga trips abroad, tapos ang iba pa nga naospital abroad,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

“Ang problema kapag naospital ka abroad, iyong gastos talagang grabe, so mahalaga na may health insurance,” dagdag ng opisyal.

Nitong Biyernes nang magdesisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan nang maka-biyahe abroad ang mga Pilipino simula October 21.

Ilan sa requirements para payagang maka-biyahe ay booked roundtrip ticket, health insurance sa mga naka-tourist visa, declaration consent form at negative antigen test.

Bukod sa outbound travels, pinayagan na rin ng IATF ang mga may edad 15 hanggang 65-anyos na makalabas ng kanilang bahay.

Ang mga mall at iba pang establisyemento at pwede na rin magdeklara ng mga small at special events.

Pinapayagan na rin ng IATF na tumawid ang publiko sa mga lugar na magkakaiba ng community quarantine restriction kahit hindi Authorized Person Outside of Residence (APOR).

Batid naman daw ng bise presidente ang pangangailangan ng pagbangon sa ekonomiya, pero hindi maaaring makompromiso ang kaligtasan ng bansa.

“Naiintindihan natin iyong pangangailangan na magbukas iyong ekonomiya, pero sana hindi po natin nakakalimutan iyong ating health and safety protocols.”