Sang-ayon si Vice President Leni Robredo sa panawagan ng mga alkalde sa Metro Manila na panatilihin ang general community status (GCQ) ng National Capital Region (NCR) sa buong panahon ng Pasko.
“Dapat pakinggan iyong mga local officials kasi sila iyong nakakaalam kung ano iyong sitwasyon on the ground kasi iba-iba iyong mga—hindi puwedeng one-size-fits-all,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Ayon kay VP Leni, dapat ikonsidera ng gobyerno ang apela ng local officials dahil sila ang mas nakakaalam ng sitwasyon sa kani-kanilang mga lugar.
Itinuturing din daw silang “first responders” ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan.
Inamin ni Robredo na nagbigay ng rekomendasyon ang kanyang tanggapan noon sa mga opisyal para magkaroon ng representatives ang LGU’s sa Inter-Agency Task Force.
“Sila talaga iyong makakapagbigay ng naaakma na rekomendasyon kung ano iyong policy na kailangang i—, ano ito, kailangang gawin.”
“Siyempre sa mas mga lugar na malaki iyong traffic, halimbawa sa Manila, sa mga cities gaya ng Cebu, nag-spike, Iloilo nag-spike, ngayon Davao, iba rin. Iba rin iyong treatment.”
Sinabi ni National Task Force chief implementer Sec. Carlito Galvez na posibleng sa Enero ng 2021 pa ipatupad ang modified GCQ sa Metro Manila.
Hiling daw kasi ng NCR mayors na huwag baguhin ang GCQ status ng rehiyon dahil mataas pa rin ang COVID-19 cases sa mga siyudad.
Inirekomenda rin ng OCTA Research Group na panatilihin ang GCQ sa Metro Manila dahil umangat muli ng 15% ang kaso ng sakit sa rehiyon sa nakalipas na linggo.