MANILA – Umapela si Vice President Leni Robredo sa kanyang mga taga-suporta na ngayon pa lang ay abala na sa paghahanda para ikampanya siya sa 2022 elections.
Sa kanyang weekly radio program sinabi ni VP Leni na bagamat kinikilala niya ang mga suport, ay hindi naman daw ito napapanahon dahil may hinaharap pang krisis ang bansa bunga ng pandemya.
“Nagpapasalamat ako sa suporta ng napakaraming tao. Pero ako, Ka Ely, aaminin ko sa iyo… kasi nasa gitna tayo ng napakalaking kahirapan. So sa akin, basta sa opisina namin, Ka Ely, tuloy iyong trabaho—parang hindi tama na ako mismo politika na iyong inaasikaso. ‘Di ba? Kasi grabe, Ka Ely, iyong taghirap ngayon.”
“Nasa receiving end ako ng lahat na pang-iinsulto, pangungutya—bugbog na bugbog na—at kung mayroong mga taong naniniwala pa din sa atin kahit iyong paninira sa atin grabe na, ang laking bagay noon para sa atin.”
Noong nakaraang linggo nang mag-post ng larawan si Liberal Party (LP) vice president at dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat ng larawan tungkol sa isang pagpupulong ng mga nais mag-ambag ng pondo sa pagtakbo ni Robredo sa pagka-pangulo.
Sinabi rin ni LP president Sen. Kiko Pangilinan na ikinokonsidera nilang maging standard bearer ng partido si VP Leni sa halalan.
Ayon kay Robredo, mas maraming issue na kailangang pagtuunan ng pansin ngayon kaysa ang eleksyon.
“Baka iyong mga fundraising, huwag muna iyon, dahil— Ako, Ka Ely, dahil lagi akong nasa ground, ano talaga, marami tayong kailangang asikasuhin ngayon.”
“Dapat iyong 2022, last iyon sa isip nating lahat, dahil ang dami po, ang dami po— Baka puwedeng i-channel muna natin, baka puwedeng i-channel muna natin iyong ating energies sa paghahanap ng mga paraan para matulungan, para matulungan.”
Hinimok ni VP Leni ang mga taga-suporta na imbis na mag-ipon para sa kanyang kandidatura, ay ilaan na lang muna sa mga nangangailangang kababayan.
“Hinihikayat ko, siguro iyong mga grupo, baka pag-isipan po natin, tulungan n’yo kami, kasi marami tayong mga kababayan na nangangailangan ngayon. Asikasuhin natin sila. Kung mayroon pong gustong mag-fundraise, okay naman iyon—pero hindi para sa akin. Gawin po natin para sa mga kababayan natin.”
“Pero ngayon, ayaw po muna natin magpa-distract. Ayaw muna natin magpa-distract sa ginagawa sa atin.”