-- Advertisements --

Tinawag ni Vice President Leni Robredo ang pansin ng pamahalaan matapos makapagtala ng panibagong kaso ng pagpatay sa isang local government official ng Laguna.

Sa kanyang weekly radio program, kinuwestyon ni Robredo ang ginagawang hakbang ng gobyerno para mapigilan na ang pagpatay sa mga LGU officials.

“Parang napaka-brazen na. ‘Di ba? Sino pa ba iyong ligtas? Iyong mayor, ganiyan iyong nangyayari sa kaniya. Parang nano-normalize, nano-normalize iyong patayan,” ani VP Leni.

“Ka Ely, 1 kilometer away iyong police station, so ang tanong ko lang, bakit mangyayari iyong ganito?”

Magugunitang binaril sa loob ng municipal hall complex si Los Baños Mayor Ceasar Perez noong Huwebes ng gabi ng dalawang hindi pa nakikilalang suspect.

Isa ang iligal na droga sa tinitingnang anggulo ng pulisya dahil nadawit na raw sa kontrobersya noon ang alkalde. Kabilang din si Perez sa “narco-list” ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Robredo, dapat tutukan ng gobyerno ang mga ganitong kaso hanggang sa mapanagot ang nasa likod ng mga krimen.

Maituturing daw kasi na palpak ang pamahalaan kung hindi nito kayang ibigay ang hustisya.

“Mahirap na ganito, kasi kapag nangyayari iyong ganito na walang napapanagot, kasalanan ng pamahalaan na hindi niya kaya protektahan iyong kaniyang mga mamamayan.”

“Every time na walang solusyon, ginaganahan iyong iba na gumawa ng masama, kasi hindi naman napaparusahan iyong perpetrators. So ako, Ka Ely, mas natatakot ako, mas natatakot ako sa impunity as a whole, na parang napakanormal na lang na mabalitaan natin na may mayor na pinatay, may judge na pinatay, may abogadong pinatay, may mediaman na pinatay. Alam mo iyon? Bakit ganoon? Bakit natin hinahayaan na ganoon?”

Inatasan na ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na siyasatin ang krimen.

Ayon sa grupong Akbayan, si Perez ang ika-20 local government official na pinaslang sa ilalim ng Duterte administration.