Nakiisa si Vice President Leni Robredo sa panawagan ng medical frontliners sa pamahalaan na pumreno muna at suriin muli ang mga ipinapatupad na stratehiya laban sa COVID-19 pandemic.
Reaksyon ito ng pangalawang pangulo sa petisyon ng ilang medical groups para ibalik ng gobyerno sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila.
“Our doctors are sending a distress call. They are asking government for a timeout to recalibrate, restrategize, redirect our policies because our strategy and measures are not working,” ani Robredo sa isang online post.
Binigyang diin ng bise presidente ang pahayag ng mga doktor at medical professionals na tila may kulang sa ginagawang hakbang ng pamahalaan, at posibleng bumagsak ang health care system kung hindi ito agad tutugunan.
“They are afraid they might be pushed into a situation where they get to decide who lives and who dies.”
Iniisa-isa ni VP Leni ang apela ng health care workers na dapat pakinggan ng gobyerno. Isa na rito ang pagkakaroon ng komprehensibong plano.
“We should realign our policies and have a central body who will take care and oversee everything.”
Dapat na rin daw gumawa ng aksyon ang pamahalaan para madagdagan pa ang rumerespondeng medical frontliners at contact tracers.
Sa usapin naman ng transportasyon, apela rin ni Robredo na magbukas ng mas maraming pampublikong sasakyan kasabay ng pagpapatupad ng mahigpit na protocol; service contracting sa jeepney drivers at pagbubukas ng bike lanes.
Para sa mga manggagawa, huwag na raw ipatupad ang rapid testing dahil hindi tiyak ang resultang nilalabas nito.
Huwag din daw sanang bolahin ng gobyerno ang publiko at iharap ang totoong sitwasyon ng bansa sa gitna ng pandemic.
“We are not and it is actually getting worse. People become complacent and public compliance with health measures more difficult to impose.”
Nitong araw, kinumpirma ni Presidential spokesperson Harry Roque na haharap sa meeting kasama ang Cabinet officials si Pangulong Rodrigo Duterte.
Pag-uusapan daw sa naturang meeting ang tugon ng pamahalaan sa apela ng medical groups para sa sitwasyon ng COVID-19.










