-- Advertisements --

Tinawag ni Vice President Leni Robredo ang mga opisyal ng pamahalaan na magkaroon ng organisadong mensahe tungkol sa COVID-19 dahil sa ilang salungat na pahayag kamakailan tungkol sa second wave ng sakit sa bansa.

Kung maaalala, unang inanunsyo ni Health Sec. Francisco Duque III na nasa ikalawang bugso na nang pagkalat ng COVID-19 ang Pilipinas.

Pero ilang kapwa gabinete nito, at mismong Malacanang ay kinontra ang pahayag ng kalihim.

“Iyong public, parang naghihintay nga sa mga deklarasyon niyo tapos iyong deklarasyon ng isa, iba sa deklarasyon ng iba. Hindi natin kailangan iyong ganitong kalituhan sa panahong ito,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.

Mungkahi ni pangalawang pangulo, sana ay may pagkakasundo ang mga opisyal sa kung anong impormasyon o anunsyo ang kanilang ibabato sa publikio.

“Sa akin lang, ngayon kasi iyong panahon na kailangan very deliberate iyong messaging kasi may takot iyong tao e. May takot iyong tao, maraming hinihintay iyong tao na declarations.”

Agad binawi ni Sec. Duque ang kanyang naging anunsyo at nilinaw na nasa “first major wave of sustained transmission” ang bansa.

Pero ayon kay VP Leni dapat maglabas din ang Palasyo ng panuntunan sa mga nagiging deklarasyon nito dahil sa kalituhang dulot sa ibang nasa level ng local government.