Iminumungkahi ni Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na maghanda na ng listahan ng mga pangalan na unang makakatanggap ng COVID-19 vaccine dito sa Pilipinas.
Pahayag ito ng pangalawang pangulo kasunod ng anunsyo ng iba’t-ibang kompanya sa ibang bansa na epektibo ang kanilang mga COVID-19 vaccines sa isinagawang clinical trials.
“Iyong plano mayroon na siyang prioritization, kung sino iyong uunahin, sino iyong sunod, okay naman iyon, Ka Ely. Halimbawa, iyong naalala ko, uunahin iyong mga healthcare workers, tapos iyong mga indigents, basta lima yata o anim na prioritization, okay iyon. Pero ang suggestion ko, pangalan na. Ang gusto kong sabihin, hindi lang nakasulat na prioritization… para kapag dumating, mayroon nang recipient, hindi iyong gagawin natin iyong listahan kapag nandiyan na iyong vaccine,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Para sa bise presidente, mahalagang kumilos ng maaga ang gobyerno para hindi mauwi sa delay ang pamamahagi ng bakuna kapag dumating na dito sa Pilipinas.
Hindi naman siya kumbinsido sa istilo na katulad sa pamamahagi noon ng Social Amelioration Program, ang magiging proseso ng vaccine distribution.
“Sabihin natin 1 million ang healthcare workers o 500,000. Sabihin natin 500,000 ang healthcare workers, pero ang dumating na nauna, 100,000 lang, sino iyong uunahin? So iyong sa akin, Ka Ely, ang suggestion ko sana, tao tao na. Magkaroon na ng lista, kasi iyong mga LGU naman, Ka Ely, mayroon na silang listahan, iko-collate lang.”
“Sino ba iyong first million, halimbawa one million iyong first batch natin, sino iyong first million na bibigyan? Hindi iyong… parang iyong prinesent kasi sa amin, Ka Ely, parang general. So iyong tinatanong ko sa kanila, “mayroon na ba?” sabi nila wala pa. Sabi ko, iyong suggestion ko, habang naghihintay tayo, gawin na natin.”
Una nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi nila inirerekomenda ang maagang pagpili sa mga participants ng trials hangga’t hindi pa napag-aaralan ang disenyo ng bakuna.
“Usually studies are designed in such that there’s a random element to the selection of subjects,” ani FDA director general Eric Domingo.