Ikinabahala ni Vice President Leni Robredo ang pagkakaugnay ng China sa mga fake at pro-Duterte administration accounts na sinara ng Facebook kamakailan.
Ayon kay Robredo, nakakatakot ang tila interes ng Beijing sa darating na halalan.
Kabilang kasi sa mga accounts na sinara ng social media giant ay mga supporters umano ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagtakbo bilang presidente sa susunod na eleksyon.
“Ito ang mas nakakatakot… iyong mga pages na parati nating pino-post na naninira sa atin, at lahat kasinungalingan. ‘Di ba? Anong ginagawa ng China sa domestic affairs natin? Ito, kailangan tayo dito matakot. Kasi bakit? Ano ang interes ninyo sa eleksyon?,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio show.
Kinuwestyon ng bise presidente ang tila pakikisawsaw din ng China sa naglipanang “fake news” dito sa bansa.
Hindi itinanggi ng pangalawang pangulo na kahit siya ay biktima rin ng mga nagkalat na maling impormasyon online, at nakakadismaya umano ang mabagal na aksyon ng otoridad sa mga ganitong kaso.
“Pero sabi nga nila, huli man daw at magaling… huli pa din. Pero sana, sana tuloy-tuloy. Sana tuloy-tuloy. Kasi alam mo, Ka Ely, nabibiktima na nito tayo eh, kasi maraming mga Pilipino ang talagang paniwalang-paniwala sa mga kasinungalingan—at hindi sila mabe-blame, kasi iyong source of information nila Facebook. So sana ituloy-tuloy ito.”
Para kay Robredo walang mali sa pagbabato ng kritisismo, basta’t naaayon at hindi naka-angkla sa kasinungalingan.
Nitong nakaraang linggo nang lantarang itanggi ng Hollywood actress na si Chelsea Peretti na nagbigay siya ng pahayag ng suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang viral post, ginamit ang larawan at pangalan ng kanyang karakter na si Gina Linetti sa series na Brooklyn 99, para sabihing “best politician” ang pangulo.
” Kasi kapag kasinungalingan, Ka Ely, kapag paulit-ulit mong sinasabi ang kasinungalingan, naniniwala ang tao. At kina-capitalize nila iyon. Alam nilang—alam nilang mangyayari iyon, kaya kina-capitalize nila. Pero sana huwag naman. Kasi kawawa—kawawa iyong mga kababayan natin na naniniwala. Kasi kung tama naman iyong sasabihin, bakit kailangan fake account pa?,” ani Robredo.
Bukod sa China-based fake accounts, natunton din ng Facebook ang pagkaka-ugnay ng mga pekeng account sa opisyal ng Armed Forces of the Philippines.
“I think, si chief of staff naman, Gen. Gapay, mabilis ding nag-respond dito. In fact, nagsabi siya na iyong AFP mismo iyong magpapaimbestiga, kasi hindi nila tolerated iyong ganito. And ako, naniniwala ako sa kaniya, na hindi nila tino-tolerate iyong mga fake accounts, so natutuwa ako na nagsabi siya na magkakaroon talaga ng imbestigasyon.”