-- Advertisements --

Iginagalang daw ni Vice President Leni Robredo ang tugon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang inilabas na report kaugnay ng drug war ng administrasyon.

Sa isang press briefing sa Maynila sinabi ni Robredo na may karapatan naman ang pangulo na maghayag ng opinyon nito pero hindi rin daw maikakaila na sinasalamin ng naturang report ang katapatan ng bise presidente sa kanyang naging trabaho bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

“Iyong perception niya sa akin, karapatan niyang isipin iyon. Hindi ko dedepensahan iyong sarili ko, kasi iyong pinaka-proof naman kung nagtrabaho ako, nasa documentation noong 18 days ko sa ICAD,” ani Robredo.

“Sana basahin muna nila iyong buong report. Exhaustive iyon. Kahit 18 days lang tayo sa ICAD, wala tayong sinayang na oras. Sinubukan nating aralin iyong buong kampanya.”

Sinalag naman ni VP Leni ang pag-kwestyon ng PNP, PDEA at iba pang ahensya na nasa ilalim ng ICAD, sa datos na ipinrisenta nito sa loob ng report.

Ayon sa pangalawang pangulo, hindi maaaring ituring ng mga ahensya na mali ang datos dahil sila mismo ang pinanggalingan nito.

“Kapag sinabi nilang mali iyong data ko, galing iyon sa kanila. Galing sa kanila iyon. Baka mas mabuti mag-usap-usap muna sila kung ano ba talaga. Ito nga iyong pino-point out ko na isa sa pinakakulang sa buong kampanya: hindi nag-a-agree iyong mga agencies tungkol sa datos.”

Kung may impormasyon man daw na nakuha ang Office of the Vice President mula sa USAID, ito ay ang bilang ng mga nahuling drug users na dumaan na sa kaukulang proseso.

Giit ni Robredo, kung talagang tapat ang pamahalaan sa kampanya nito ay dapat na maging bukas din ito sa ano mang uri ng kritiko at suhestyon para tuluyang maabot ang target na matuldukan ang kalakalan ng iligal na droga sa bansa.

“Pinag-igihan ko ang trabaho, ito ang recommendations. Nasa kaniya na kung anong gagawin. Pero kung seryoso talaga tayo na matapos ang problema sa ilegal na droga, dapat bukas tayong makinig sa suggestions ng iba.”