Walang ibang nakikitang dahilan si Vice President Leni Robredo kundi ang mabagal na responde ng pamahalaan sa COVID-19, bilang rason kaya tumataas pa rin ang kaso ng sakit, kahit matagal na isinailalim sa lockdown ang buong bansa.
Sa ngayon, isa ang Pilipinas sa mga estadong pinakamatagal nang nasa ilalim ng lockdown. Mas matagal sa Wuhan City, China, kung saan unang pumutok ang outbreak.
“My sense is that we did not act urgently kaya nararamdaman natin ngayon iyong mga gaps kasi naging complacent tayo at the very start, eh,” ani Robredo sa isang interview.
Ayon sa pangalawang pangulo, posibleng hindi na lumala ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa kung naging strikto agad ang pamahalaan sa ilang panuntunan.
“Kung naaalala natin, we have been pushing for cancellation of flights already from China. Medyo nag-dilly-dally pa tayo doon, eh. And when finally we decided to cancel flights, we were not… we were not very strict on its implementation.”
Bukod dito, tila hindi rin daw minadali ng pamahalaan ang pagbibigay ng personal protective equipment sa mga frontliners.
“Tingin ko, iyon iyong kaya hanggang ngayon, marami pa tayong kina-catch up instead of sumasabay na sana tayo doon sa experiences ng iba.”
“And hindi ito maganda in the sense that China was already—was supposedly an example already for us; we should have learned the lessons of Wuhan already. Pero parang noong umpisa kasi, masyado tayong naging mabagal.”
Noong December 31, 2019 nang unang makatanggap ang World Health Organization (WHO) ng reports tungkol sa kahina-hinalang pneumonia cases mula Wuhan City.
Sa gitna ng ilang developments, nanindigan ang pamahalaan na hindi nito isususpinde ang mga biyahe mula China, kahit inamin ng DOH na may binabantayan na silang mga posibleng kaso ng sakit.
January 31 naman nang makapagtala ang Pilipinas ng unang kaso ng sakit, na isang babae na may travel record mula sa nasabing siyudad sa China.
Nagdulot ito para mag-desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte nang travel ban mula Hubei province, kung nasaan ang Wuhan City.