Umapela si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan dahil sa umano’y kulang na alokasyon para sa mga local government units sa ilalim ng inaprubahang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Ayon sa pangalawang pangulo, hindi sapat ang P1.5-billion budget na local government support fund, kung paghahatian ito ng 1,634 na mga lungsod at munisipalidad.

“Ibig sabihin, kung pare-pareho ang makukuha ng lahat, nasa tag-900,000 pesos lang ang maipapamahagi sa bawat LGU. Limitado ang halagang ito, kaya dapat strategic ang paglalaan.”

Mungkahi ni VP Leni, gumamit ng datos para makita kung sino sa mga lokalidad ang pinaka-nangangailangan ng tulong para sa COVID-19 response.

As of September 23, mayroong 66 na LGUs daw ang nasa antas na high risk. Bunsod umano ito ng 100 active cases sa kada 100,000 populasyon. May 485 LGUs naman na walang community transmission, batay sa sinuring datos ng Department of Health.

Ayon kay Robredo, maaari ng buksan ang face-to-face classes sa mga lugar na walang transmission basta’t masusunod ang minimum health standards.

“Ayon sa mga eksperto, high risk ang isang lugar kapag humigit sa isang daang katao kada isang daang libo na population ang active cases.”

Binigyang diin ng bise presidente na nasa antas ng komunidad kumakalat ang virus, kaya kakambal ng tulong sa LGUs ang suporta din para sa healthcare workers.

Paliwanag ni VP Leni, nasa kamay ng local government units ang pagsisiguro na bukod sa mga residente ay may sapat na tulong din sa medical workers na frontliners ng pandemya.

“Mas marami, mas mahusay, at mas inaarugang community health workers ang kailangan natin—at kailangang suportahan ang mga LGU para makamtan ito.”