Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang mga Pilipino na alalahanin ang mga biktima ng Marawi seige at iba pang Muslim refugees ngayong ginugunita ng bansa ang Eid’l Adha o Festival of Sacrifice ng Islam.
“Yakapin natin sila at patuloy na ipanalangin sa kanilang pagharap sa mga hamon ng buhay,” “Sa araw na ito, sana ay alalahanin natin ang mga kapatid nating nagsasakripisyo at nagsusumikap makabangon, tulad ng mga kababayan natin sa Marawi at mga kapatid nating Muslim refugees na nawalay sa kanilang mga pamilya at naghahangad ng mas magandang bukas,” ani Robredo.
“Yakapin natin sila at patuloy na ipanalangin sa kanilang pagharap sa mga hamon ng buhay,” dagdag pa nito.
Nabatid na mahigit 100,000 residente ng Marawi ang apektado nang pinasok ng ISIS-inspired Maute group ang naturang lungsod noong Mayo 23, 2017, na siyang dahilan kung bakit isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buoang Mindanao sa batas militar.
Tumagal ng limang buwan ang kaguluhan sa Marawi hanggang sa na-neutralized ang mga lider ng naturang teroristang grupo, pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakakabangon ang lungsod mula sa pagkasira nito.
Umaasa si Robredo na magsilbing paalaala sa mga Pilipino ang Eid’l Adha para mabuhay ng higit sa pansariling interes lamang at buksan ang sarili at puso para sa mga mahihirap.
“Isa rin itong pambihirang pagkakataon upang mas pagtibayin ang ating nagkakaisang lahi: isang bayang walang iniiwan at tinatalikuran, anuman ang relihiyon, kulay ng balat, o lugar na pinagmulan,” saad ng bise presidente.
“Patuloy nawa tayong pagbuklurin ng pagmamahal, pananampalataya, at pagbabayanihan,” dagdag pa nito.