-- Advertisements --

Nakukulangan si Vice President Leni Robredo sa inilaang pondo ng gobyerno sa ilalim ng nilagdaang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Ayon sa pangalawang pangulo, hindi sapat ang P165.5-billion budget ng batas para sa mga pinaka-nangangailang sektor na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

“Iyong kaniya kasing allocation, parang 165.5 [billion pesos] siya, pero 140 [billion pesos] pa lang iyong may funding. Parang iyong tira dun, parang standby fund pa lang,” ani Robredo sa isang panayam nitong Biyernes.

“All of the other parang items in Bayanihan 2 is very good. Halimbawa mayroon siyang parang grace period para sa mga pagbayad ng utang, sa pagbayad ng mga bills. Mayroon siyang tulong sa iba’t ibang sektor. Iyong problema ko lang dito iyong amount. “

Kabilang sa kinuwestyon ni VP Leni ay ang alokasyong P53-billion, na paghahati-hatian ng responde sa healthcare workers, mga health facilities, expansion ng public hospitals.

Pati na ang P10-billion na paghahati-hatian naman ng vaccine procurement, tulong sa maliliit na negosyo, manggagawang nawal ng trabaho, transportasyon, edukasyon at agrikultura.

“Hindi ko lubos maisip kung paano ito magkakasya, considering the magnitude, considering the magnitude na kinakailangan natin.”

Inirekomenda ni Robredo ang suhestyon ng mga ekonomista, partikular na ang isinusulong na ARISE Bill sa Kamara.

“Para sa akin makes a lot of sense. Iyong ARISE Bill, ano siya 1.2, 1.3 trillion pesos, pero iyon ay staggered mula 2020 hanggang 2022. [Para sa akin] mas comprehensive iyon. So iyong sa akin, iyong Bayanihan 2, puwede na at this time. Pero hindi siya puwedeng siya iyong magiging end. Gusto kong sabihin, hindi puwedeng hindi magpapasa ng another to supplement Bayanihan 1 and 2.”

Kamakailan nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan 2 Act na naglalaman ng mga bagong probisyon para respondehan ang COVID-19 pandemic sa bansa.