-- Advertisements --

Pinuna ni Vice President Leni Robredo ang kawalan umano ng tagapangasiwa ng mga programa ng pamahalaan kontra COVID-19.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos mapuno ng locally stranded individuals (LSIs) ang Rizal Memorial Sports Complex para lang makasali sa “Hatid Tulong” program ng pamahalaan.

Ani VP Leni, bagamat may mga hakbang nang inilatag ang mga ahensya ng gobyerno, ay tila wala namang namumuno para magtugma ang mga ito.

“Lahat na mga agencies, ang iba diyan kulang na sa tulog, talagang binubuhos iyong sarili. Pero parang walang nagma-manage. Kaniya-kaniyang ahensya, kaniya-kaniyang ginagawa.”

“Pero parang walang kundoktor, parang walang— Ako, ayaw kong tawaran iyong pagod ng mga nagtatrabaho, kasi alam ko nagtatrabaho—hindi naman ito katamaran, tingin ko hindi iyon. Pero walang manager.”

Dinepensahan ni Robredo ang buhos ng LSIs na gustong makauwi. Para sa bise presidente, dapat naging organisado ang mga ahensya sa pagtanggap ng mga uuwing inibidwal.

“Kapag nag-announce ka na may libreng sakay ng Saturday-Sunday, siyempre, ano bang ie-expect mo? Talagang iyong lahat na gustong umuwi pupunta. Kaya iyong sa akin, dapat sana minanage itong maayos. Inuna na iyong mga nasa shelters, inorganize.”

“Noong nakita ko iyong mga pictures noong isang gabi pa, talagang nanlumo ako na grabe iyong ine-exert natin na effort sa social distancing, pero tayo mismo iyong violators. Mangyayari at mangyayari ito kung hindi maayos iyong pagplano.”

Sumulat na rin daw ang pangalawang pangulo kay National Task Force chief implementer Sec. Carlito Galvez hinggil sa desisyon ng pamahalaan na isailalim muna sa rapid test ang mga uuwing LSI.

“Ang pinakasadya nga natin, ma-contain iyong virus. So kung hindi sigurado na talagang cleared— Alam mo iyong rapid test, ang accuracy ay mababa, so kapag nag-negative na siya, baka mas delikado pa, mas delikado pa nga kasi nabibigyan siya ng parang false sense of security.”

“Huwag naman sanang ipasa iyong swab testing sa mga LGUs, kasi hindi lahat na LGUs may capacity. Hindi lahat na LGUs may capacity.”

Ngayong araw, higit 80,000 na ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas ayon sa Department of Health (DOH).