-- Advertisements --

Malaking kalokohan, ayon kay Vice President Leni Robredo ang isinusulong ngayon na pagpapalit sa sistema ng pamahalaan na revolutionary government ng ilang taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong Sabado nang magtipon sa Clark Freeport ang aabot sa 300 indibidwal na nagpapaabot umano ng suporta para pamunuan ng presidente ang bagong pamahalaan hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino.

“Ang laking kalokohan niyan, Ka Ely. Una, ano ba iyong gustong sabihin ng call for revolutionary government? Ang gustong sabihin, ang hinihingi dito, itapon iyong Konstitusyon natin. Diyan pa lang, ilegal na iyan. So ang tanong ko: Bakit hinahayaan? Bakit hinahayaan?,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Pinuna ng pangalawang pangulo ang tila pagpayag ng ilang concerned officials sa naturang aktibidad, tulad ni Sec. Vince Dizon ng Bases Conversion and Development Authority, na may hawak ng Clark Freeport. Pati na ang imbitasyon kay PNP chief Gen. Archie Gamboa.

Bukod sa hindi naka-ayon sa Saligang Batas, ani VP Leni, hindi rin angkop sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa COVID-19 pandemic ang naturang kilos.

“Sana iyong mga kasama ni Pangulo, hindi hinahayaan na bumuwelo ang mga ganito. Kasi ito talaga iyong panira, Ka Ely, sa lahat na ginagawa natin, lalo na ngayong pandemic. Iyong lahat na efforts natin, dapat nasa COVID-19, pero ang pinag-uusapan natin Anti-Terror Bill, pagpasara ng ABS[-CBN], ‘di ba, pag-amend ng Constitution, pagdeklara ng RevGov, federalism. Parang… parang— Puwede ba?”

“Sa panahon na lahat na Pilipino dapat nagtutulong-tulong para masugpo iyong COVID—ang dami-dami nating mga kababayan na nagkakasakit, ang dami-dami nating kababayan na namamatay, ang daming frontliners ang nakataya ang buhay—tapos ang pag-uusapan natin ganito?”

Ayon kay Robredo, kataka-taka ang timing ng pag-uusap sa tinaguriang “RevGov” lalo na’t ilang beses nang lumutang ang ulat na may sakit ang presidente.

“Parang binibigyan pa nila ng apoy. Bakit kayo mag-uusap na ang nakaupo si President Duterte, tapos ang pag-uusapan niyo revolutionary government, tapos supporters kayo niya? ‘Di ba? Parang— Ngayon iyong panahon na… halimbawa, marami ngayon iyong mga tsismis—na pinabulaanan na na hindi totoo—na may sakit si Presidente, etc., tapos pag-uusapan iyong RevGov? So parang nagdadagdag pa kayo… nagdadagdag pa kayo sa pagduda ng tao, kasi bakit pag-uusapan iyong RevGov at a time like this?”

Una nang dumistansya ang Malacanang sa usapin at sinabing krisis ng COVID-19 ang una sa listahan ng mga prayoridad ng administrasyon.