-- Advertisements --

Idinaan sa datos ni Vice President Leni Robredo ang kanyang sagot sa mga banat ng Malacañang laban sa mga pinunang rekomendasyon nito sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Sa isang online post, sinabi ng pangalawang pangulo na kaya namang masugpo ng isang bansa ang pandemya kahit wala pang available na bakuna laban sa coronavirus.

Patunay raw dito ang resulta ng pag-aaral ng The Lancet medical journal, kung saan nakalista ang 91 bansa na epektibong na-kontrol ang COVID-19 transmission.

Mula sa nasabing listahan, rank 66 ang Pilipinas. Ang Taiwan, Thailand, Laos at Cambodia naman ang nangunguna sa parehong listahan.

“19 countries (in dark blue) are considered to have effectively suppressed the transmission already. 10 of the 19 countries are in the Asia Pacific Region.”

“Pinapakita sa table na to na possible naman ma suppress kahit wala pang vaccine. If 19 countries were able to do it, no reason why we can’t. Kaya natin ‘to.”

Ani VP Leni, dapat sulitin ng gobyerno ang bumubuti nang mga numero na may kinalaman sa estado ng COVID-19 mula nang pumasok ang Setyembre.

Maaari raw kasi itong maging batayan ng gobyerno sa pag-abot sa mga target para sa COVID-19 response.

“This study was done using August data. Our September numbers are getting better compared to our August numbers. But, perhaps, it would even be better if we set weekly or monthly targets.”

“Para naman yung assessment natin would depend on how near we are to our targets and we make sure that all our efforts are focused on achieving those targets.”

Sa isang press briefing, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na puro puna at tila hindi nakikita ng bise presidente ang mga ginagawang hakbang ng Duterte administration.

“Hinahamon ko po si VP Leni, kung meron siyang solusyon na walang vaccine at wala pa rin gamot, sabihin niya po dahil sigurado po baka ngayon din maging presidente siya kung makahanap siya ng solusyon habang walang bakuna at walang gamot.”

Pero sagot ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, kung ano ang mga naging rekomendasyon ng medical experts sa gobyerno kamakailan ay pareho rin sa naging suhestyon ng Vice President.

“Subukan kaya niyong basahin din minsan ang mga rekomendasyon ng mga doktor at ibang eksperto — ilang beses na ring ipinaabot ni VP Leni sa IATF yung marami dito — para hindi naman kayong nagmumukhang inutil lagi.”