Naniniwala si Vice President Leni Robredo na hindi pa tuluyang natuldukan ng mga kongresista ang pagdinig sa bagong franchise ng media giant na ABS-CBN.
Ayon kay Robredo, taong-bayan lang ang makapagsasabi kung naging patas ba sa pagdinig at pagtalakay ng panukalang batas para sa nasabing franchise ang mga mambabatas sa Kamara.
“Iyong tao nanonood naman ng mga hearings. Iyong tao ang makakapagsabi kung palagay ba nila naging impartial. Hindi pa ito tapos dahil mayroong pushback iyong mga tao,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.
Kaugnay nito, kinontra ng pangalawang pangulo ang tagapagsalita ng presidente na si Sec. Harry Roque na nagsabing desisyon ng taong-bayan ang pagbasura ng mga kongresista sa media franchise ng kompanya.
“Iyon ang nakakapanghina ng tuhod. Hindi lang tuhod pero ng buong katawan kapag sinasabi na desisyon ng taong bayan.”
Nauna nang nagbigay ng pahayag si Robredo hinggil sa naging desisyon ng 70 mambabatas na sumang-ayon sa pagbasura ng aplikasyong prangkisa.
Hinimok pa nito ang publiko na tandaan ang pangalan ng mga kongresistang bumoto pabor para hindi mabigyan ng bagong franchise ang media company.
Mula sa mga bumotong mambabatas, 11 lang ang kumontra sa pagbasura ng komite.
“Hindi iyong sarili naman ang nakataya dito kundi buong bansa. Parang personal kang namatayan dahil marami talagang masasakripisyo na maliliit.”