Ipinagtanggol ni Vice President Leni Robredo ang mga mananaliksik ng University of the Philippines matapos akusahan na “bayaran” ni Environment Usec. Benny Antiporda.

Magugunitang binatikos ng Environment official ang UP experts matapos kwestyunin ang ipinipilit na white sand beach project sa Manila bay.

“Totally uncalled for. Siguro lesson ito sa ating lahat. Lesson ito sa ating lahat—hindi lang sa public officials, pero pati sa mga ordinaryong tao—na hinay-hinay sa pagsalita, kasi mayroon kang mga nabibitawan na mahirap nang ibalik,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Iginiit ng bise presidente na walang karapatan ang sino man na bastusin ang hanay ng mga mananaliksik dahil sa pagtugon nila sa kanilang tungkulin.

Binigyang diin din ni Robredo ang kaakibat talagang bayad ng gobyerno sa mga ipinapagawa nitong pag-aaral sa mga sitwasyon.

“Iyong sa atin, lahat naman na research would entail expenses. Iyon iyong dahilan kung bakit nagbabayad iyong gobyerno sa research. Pero ito, ito, dahil sa pagkapikon, magsasabi ka ng mga bagay na, una, hindi dini-deserve. Pangalawa, mahirap nang bawiin. Sana hindi ganito—lalong lalo na kasi public official iyong nagsabi.”

Ayon sa pangalawang pangulo, malaki ang papel na ginagampanan ng scientists at iba pang eksperto dahil sila ang mas may kaalaman sa sitwasyon kaugnay ng kanilang pagkadalubhasa.

Kaya naman dapat din umanong sulitin ng mga opisina ang ibinabayad nila sa mga researchers na nagbibigay ng angkop na rekomendasyon sa ano mang plano o proyekto.

“‘Yong pambayad sa research ay pera ng taumbayan. Pangalawa, iyong pambayad sa project ay pera ng taumbayan. Nakita naman natin ngayon, Ka Ely. Nakita natin ngayon, na ngayong ulan nang ulan, nakita natin iyong epekto. Ito iyong sinasabi natin na sana sa gitna ng pandemya, pinag-iisipan iyong paggastos ng pera, kasi maraming marami, Ka Ely, na pagkakagastusan na mas importante.”

Batay sa rekomendasyon ng UP Marine Science Institute, bakawan o mangroves ang dapat na naka-pwesto malapit sa dalampasigan ng Manila bay at hindi pekeng white sand.

Bago naging opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), naging kolumnista sa diyaryo at mamamahayag sa telebisyon si Antiporda.

Isang taon siyang nag-aral ng BS Medical Technology, pero nagtapos sa kursong BA Journalism.

Sa pagsasaliksik ng Bombo Radyo, tanging pagiging alternate chairman ng National Solid Waste Management Commission lang ang background ni Antiporda sa larangan ng pangangasiwa sa kalikasan.