Dismayado si Vice Pres. Leni Robredo sa desisyon ng Sandiganbayan na nagbasura sa P267-million ill-gotten wealth case nina dating Pangulong Ferdinand Marcos at asawa nitong si Imelda.

Iginiit ni Robredo ang karapatan na kilalanin ng korte ang pagsisikap ng prosekusyon na makapag-palutang ng ebidensya kahit hindi na ito orihinal na kopya.

Kung maalala, naging batayan sa desisyon ng 4th Division ang kabiguan ng prosekusyon na makapag-sumite ng original copies ng documentary evidence para ituloy ang pagdinig sa kaso.

“Ang pinakamahalaga, ano ba talaga iyong nangyari? Kung may defect iyong form, kailangan mag-exert pa ng effort para malaman na despite the defect, ano ba talaga iyong substance.”

Ikinalungkot ng bise presidente ang aniya’y nasayang na buwis ng taongbayan dahil sa teknikal na aspeto lang pinag-desisyunan ng korte ang kaso.

“Ito iyong nakakapanlumo kasi iyong perang pinag-aawayan, pera ng taumbayan. Na iyong pera ng taumbayan, parang malulusaw dahil sa technicalities,” ani Robredo sa kanyang radio program na BISErbisyong Leni.

“Ito nga, nakakapanghina… na iyong sa amin, obvious na obvious hindi pa ma-dismiss pero ito, obvious na obvious din pero na-dismiss. Ito iyong nagbabawas ng paniniwala ng taumbayan sa judicial system.”