-- Advertisements --

Pinasisiguro ni Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na may kaukulang “safeguard” o proteksyon ang pagpapatupad nang kakapirma lang na Anti-Terrorism Law.

Ayon kay Robredo, ito’y para matiyak na hindi maaabuso ng implementing officers ang mga probisyon ng batas, na posibleng magdulot ng banta sa karapatang pantao.

“Iyong hinihingi natin, hindi na hindi magkaroon ng Anti-Terrorism Law; iyong hinihingi natin, kung magkakaroon, siguraduhin iyong safeguards, siguraduhin iyong safeguards sa pang-aabuso,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.

Ngayon pa lang daw kasi ay kitang-kita na ang pagiging makapangyarihan ng pamahalaan, kaya dapat na gabayan din ng wasto ang publiko sa kanilang karapatan.

“Eh dito sa Anti-Terror Law, wala ito. Mayroong safeguards pero hindi enough. Ang parating dapat presumption, parating may tendency na mag-abuso.”

Para kay Robredo, dalawang paraan ang pwedeng gawin ng mga tutol sa batas para tuluyan itong matigil sa implementasyon: ang paghahain sa ng petisyon sa Korte Suprema, at panawagan sa Kongreso na amiyendahan ang ipinasang Anti-Terrorism Law.

“Sana patuloy lang tayo, patuloy lang ipaabot iyong pakiramdam, patuloy na ipaabot iyong boses, kasi hindi pa tapos iyong laban.”