Hindi dumalo si Vice President Sara Duterte sa ginaganap na impeachment hearing ng House Committee on Justice, ngunit siya ay nakitang present sa pagbubukas ng EXTRA+Ordinary: The Vice Presidents of the Philippines na isang pop-up exhibit sa Laguna.
Sa Kamara, ipinagpatuloy ng mga mambabatas ang ika-apat na public hearing laban sa kanya, na nakatuon sa mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, at umano’y death threats laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ipinresenta rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang mga natuklasan kaugnay ng mga alegasyong ito. Inaasahan ng panel na magbobotohan kung may probable cause para sa impeachment, na maaaring magdala ng kaso sa plenaryo at sa Senado para sa trial.
Habang tumitindi ang panawagan ng Kamara, nanatiling wala si Duterte sa hearing.
Ayon sa kanyang kampo, ang impeachment complaints ay “recycled accusations” lamang at walang sapat na factual basis.
Dagdag pa ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio, may paglabag sa Bank Secrecy Law, Data Privacy Act, at Anti-Money Laundering Act ang paglalabas ng kanilang bank records sa mga naunang pagdinig.
Ang kanyang pagdalo sa exhibit sa Laguna ay ipinakita bilang pagpapatuloy ng kanyang opisyal na tungkulin at public engagements, sa kabila ng nagpapatuloy na impeachment process sa Kongreso.
Ang exhibit ay tampok ang kasaysayan at papel ng mga Vice Presidents ng Pilipinas, na tiningnan ng ilan bilang pahayag na siya ay nagpapatuloy sa kanyang mandato at hindi natitinag sa mga alegasyon.
















