MANILA – Binalewala lang ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang pagkaladkad ni dating Communications Asec. Mocha Uson sa pangalan ng pangalawang pangulo kasunod ng kontrobersiya sa kanila ng aktor na si Robin Padilla.
ICYMI: OVP spokesperson Barry Gutierrez slams Mocha Uson's remark tagging VP Leni Robredo on the controversy between her and actor Robin Padilla.
— Christian Yosores (@chrisyosores) January 22, 2021
"Huwag nga niya kaming idamay sa kalokohan niya." | @BomboRadyoNews
Sa isang statement, pinakiusapan ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, si Uson na huwag nang idamay ang kanilang panig sa hinaharap na issue ng dating opisyal.
“Huwag nga niya kaming idamay sa kalokohan niya.”
Nitong Huwebes nang pumutok ang balita na nabuntis umano ni Padilla ang dating assistant secretary.
Bagamat pinabulaanan na ng asawa ni Padilla na si Mariel Rodriguez ang balita, tila iba naman ang pinaniniwalaan ni Uson.
Kinaladkad niya sa isang post ang kampo ni Robredo bilang nasa likod umano ng pagpapakalat ng chismis.
Ayon kay Uson, baka raw dahil kulelat sa surveys ang bise presidente kaya gumawa na lang ito ng mga spekulasyon.
“Wala pong katotohanan yang tsismis na yan. Napakabait po nung tao. Nakakahiya naman kay idol Robin at Mariel.”
Magugunitang natalo sa nakaraang halalan si Uson nang tumakbo bilang representative ng kontrobersyal na AA-Kasyoso Party-list.
Nagbitiw din siya sa Presidential Communications and Operations Office (PCOO) matapos kwestyunin ng mga mambabatas ang kanyang mandato sa gitna ng 2018 budget hearing.
Bago na-appoint sa PCOO, dating entertainer si Uson at leader ng grupong Mocha Girls.