-- Advertisements --

Pinatunayan lang daw ng desisyon ng Supreme Court na walang basehan at matibay na pruweba ang alegasyon ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos kaugnay ng naganap di-umano na electoral fraud noong 2016 vice presidential polls.

Ito ang naging pahayag ng kampo ni Vice President Leni Robredo matapos ilabas ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kopya ng buong desisyon nito hinggil sa nasabing isyu.

Batay dito, mananalo pa rin si Robredo kahit i-annul nila ang election results sa Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao. Ito ang tatlong probinsya na nais ng kampo ni Marcos na isailalim sa recount.

Ayon sa PET, mangunguna pa rin ang bise presidente ng 15,130 votes kahit wala ang mga boto mula sa tatlong probinsya sa Mindanao.

Paliwanag ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, ang naging desisyon ng PET ay nagbigay linaw na hindi totoo ang mga alegasyon ng kampo ni Marcos.

Sa 93-pahinang desisyon ng PET na isinulat ni Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ng PET na mayroon ng prima facie na nagpapatunay na mangunguna pa rin sa botohan si Robredo kahit pa ituloy ang ikatlong cause of action.