-- Advertisements --

Iginiit ni Vice President Leni Robredo na may karapatan siyang maghayag ng kritisismo o puna sa administrasyon, hindi dahil sa pagiging taga- oposisyon, pero bilang mamamayan din ng estado.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo sa gitna ng mga kwestyon sa kanyang mga komento sa ilang polisiya at paghahatid serbisyo ng gobyerno.

“Palagay ko kahit hindi ako VP, may karapatan ako. Kahit hindi ako VP, kahit ordinaryong mamamayan lang ako, may karapatan akong ipahayag iyong aking mga mungkahi. May karapatan akong mag-criticize if I need to criticize,” ani Robredo sa panayam sa programang Quarantined with Howie Severino nitong Martes.

Ayon sa bise presidente, may responsibilidad din siya bilang miyembro ng pamahalaan, at parte nito ay mabigyan ng nararapat na aksyon ang pangangailangan ng publiko lalo na sa panahon ng krisis.

Sinisiguro rin daw niyang angkop ang kanyang mga puna sa mga napapanahon at pinaka-kailangang tugunan na mga issue.

“I only made public my recommendations July, August. I was silently working— Kahit nagbigay na ako ng letter kay Secretary Roque, I was quiet about it for some time, kasi I wanted to… parang I wanted to give this administration a chance.”

“Pero iyong sa akin lang, tayo iyong pinakamahabang lockdown, marami na akong nakikitang kakulangan. Parang ito would be a disservice to the people kung hindi ako magboboses ng kakulangan. Iyong sa akin, I know that I will be criticized for it, I know na ito-troll na naman ako, pero I think may bigger responsibility at stake.”

Para kay VP Leni, hindi rin hadlang ang mga kritisismo na kanya ring natatanggap para isantabi ang mga dapat niyang gawin bilang bise presidente.

Naniniwala ang pangalawang pangulo na may obligasyon din siya bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng Republika, sa kanyang mamamayan.

“Mayroon akong ganoong platform kasi VP ako. Gagamitin ko iyong platform na iyon para maging boses ng mga taong pareho iyong paniniwala sa akin. It might not be the same for all, pero may mga taong pareho ng aking paniniwala. So sa akin, obligasyon iyon. And hindi puwedeng sabihin na dahil hindi ako presidente, hindi ako puwedeng magsalita, kasi kahit—as I have said, kahit walang katungkulan, puwedeng magsalita.”