NAGA CITY – Bagama’t suportado ang desisyon ni Vice President Leni Robredo na maging drug czar, aminado ang Liberal Party (LP) na hindi pa rin nawawala ang kanilang agam-agam na isang “political trap” ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay dating Cong. Erin Tañada, LP vice president, sinabi nitong sa una pa lamang ay nababahala na sila na baka masira nito ang imahe ng bise presidente.
Ayon kay Tañada, pagkatapos ng pagtitipon sa pagitan ni Robredo at ng mga miyembro ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), dapat sunod na magkaharap sina Vice President Robredo at Pangulong Duterte para mapag-usapan ang kapangyarihan na mapapasakamay ng bise presidente.
Maliban dito, dapat din aniyang maging malinaw kung saan manggagaling ang pondo na gagamitin sa kampanya laban sa iligal na droga.
Sa kabila nito, umaasa rin ang LP na magigin daan na ito para magkaroon ng magandang relasyon sa pagitan ng dalawang mataas na opisyal ng bansa.