-- Advertisements --

Kinuwestyon ni Vice Pres. Leni Robredo ang pagpapatigil operasyon ng National Telecommunications Commission (NTC) sa media giant na ABS-CBN.

Ayon kay Robredo, kataka-taka na sa gitna nang hinaharap na krisis ng bansa dahil sa coronavirus disease (COVID-19) ay nagawa pa ng gobyerno na magpasara ng kompanya.

“Wala dapat puwang sa panggigipit at pansariling interes sa mga panahon kung kailan dapat nagtutulungan tayo. All hands on deck dapat,” sa isang statement.

“All social institutions— including media— should be united under a single purpose: ang pagsiguro sa kaligtasan ng buhay ng bawat Pilipino.”

Para kay VP Leni, malaki ang ginagampanan ng media, tulad ng ABS-CBN, sa panahong kailangan ng publiko ng masasandalan sa tamang impormasyon.

“Sa gayong paraan, natutukoy natin kung sino at nasaan ang mga nangangailangan. Nagiging mas mabilis at makabuluhan ang ating pagtutulungan. Nakikita natin ang mga paraan ng pagtugon at pagkakaisa ng ating kapwa Pilipino— na nagpapamalas sa ating hindi tayo nag-iisa sa ganitong mga panahon.”

“This free flow of information literally saves lives. Closing down ABS-CBN costs lives, on top of unnecessarily burdening the thousands who will lose their jobs.”

Ikinabahala ng bise presidente ang shutdown ng broadcast company, sa gitna ng desisyon ng pamahalaan na muling buksan ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators.

“Hindi mahirap matukoy kung alin sa dalawang ito ang mas nakatutulong sa pagtugon sa krisis na kinakaharap natin ngayon.”

Umaasa ang pangalawang pangulo na makikita ng administrasyon ang aniya’y panganib na magiging epekto ng ABS-CBN shutdown, lalo na’t patuloy pa ang krisis na dulot ng COVID-19.

Kamakailan nang sabihin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na papayagan na muli ang operasyon ng mga lisensyadong POGO sa bansa.

Ayon kay Pagcor chairperson Andrea Domingo, 30-percent lang ng mga empleyado POGOs ang papasukin sa trabaho. Tiyak din umanong babayaran ng sahod nang gaming hubs ang kanilang Pinoy employees.

Batay sa datos ng Bureau of Internal Revenue, karamihan sa 60 licensed POGOs ang bigong makapagbayad ng buwis na aabot sa P50-bilyon noong 2019.

Sa isang Senate hearing nitong nakaraang Pebrero, lumutang ang ulat ng BIR officials na lahat ng foreign-based POGOs ay hindi nagbabayad ng kanilang franchise tax.

“One hundred percent of the offshore-based licensees are not paying franchise tax. All of them,” ayon kay Atty. Sixto Dy ng BIR Office of the Deputy Commission for Operations.