Tiniyak ng Department of Health (DOH) na maaambunan ng dumating na 100,000 test kits ang lahat ng sub-national laboratories sa bansa na humahawak ngayon ng testing para sa COVID-19.
Sa Laging Handa briefing sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na naka-depende sa pangangailangan at kapasidad ng pitong operational na sub-national laboratory ang ia-allocate nilang testing kit.
Asahan na raw na pinaka-marami ang mailalaan sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) dahil sila ang may “highest capacity” sa pagsasagawa ng test, bunsod sa dami ng mga makina.
Una ng nag-abiso si Usec. Vergeire hinggil sa posibleng pagtaas pa ng mga kaso ng infected sa COVID-19 dahil mas marami na ang supply ng test kits sa bansa.
“Makikita natin sa pang-araw araw ang pagtaas ng mga kaso. Maybe mayroon tayong tinatawag na ‘articial rise’ dahil nga na-reduce yung backlog natin doon sa laboratory capacity.”
“Pag nagkaroon na tayo ng stable na laboratory testing capacity makikita na natin yung totoong pagtaas ng kaso (ng COVID-19) sa ating bansa.”
Nitong Sabado nang dumating ang 100,000 test kits na donated ng China sa Pilipinas.