Hinamon ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, si Davao City Rep. Paolo ”Pulong” Duterte na maglabas ng ebidensya hinggil sa kanyang paratang na tatanggalan umano ng pondo ang mga kongresista kapag hindi susuportahan ang impeachment complaint laban kay Sara Duterte.
Ayon kay Ridon, mahalagang patunayan ni Rep. Paolo Duterte ang kanyang mga pahayag sa halip na basta maglabas na lang ito ng akusasyon sa social media.
Kasabay nito, hinamon din ng mambabatas si Rep. Pulong na ipakita ang kanyang tapang sa pamamagitan ng aktibong pagdepensa sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente sa plenaryo ng Kamara de Representantes.
Kinuwestiyon din niya ang umano’y madalas na pagliban ni Rep. Duterte sa mga sesyon ng Kamara at ang hindi nito regular na pagdalo sa mga plenary proceedings.
Ginawa ni Ridon ang pahayag matapos mag-post si Pulong Duterte sa kanyang social media account ng alegasyon na may mga kongresista umanong binabantaan na mawawalan ng pondo ang kanilang mga distrito kung hindi boboto pabor sa impeachment complaint ni VP Sara.
















