-- Advertisements --

Kinukonsidera ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ibalik na ang buong araw na implementasyon ng number coding scheme ngayong simula bukas, Marso 1, ay ilalagay na ang National Capital Region (NCR) sa ilalim ng Alert Level 1, ayon kay traffic czar Bong Nebrija.

Ngayon pa nga lang aniya na nasa Alert Level 2 pa ang NCR ay nakikita na ang pagbigat ng trapiko at ang pagdagdag ng volume ng mga sasakyan hindi lamang sa EDSA kundi sa buong Metro Manila na mismo.

Mababatid na sa ngayon ang number coding scheme ay ipinatutupad lamang mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi tuwing weekdays, maliban na lamang kapag holidays, at para lamang ito sa mga private vehicles.

Ayon kay Nebrija, oobserbahan muna ng MMDA ang traffic patterns at vehicular volume sa loob ng tatlong araw hanggang isang linggo bago maglabas ng rekomendasyon sa Metro Manila Council.

Sa ngayon ay nasa 345,000 sasakyan ang dumadaan sa EDSA, mas mababa kumpara sa 405,000 na pre-pandemic volume.