-- Advertisements --

Inabswelto ng Malolos Regional Trial Court Branch 18 si retired Major General Jovito Palparan Jr. sa kasong pagdukot at pag-torture sa 2 magsasaka na Manalo brothers noong 2006.

An kaso ay inihain ng magkapatid na sina Raymond at Reynaldo Manalo para sa pagdukot at serious illegal detention with serious physical injuries.

Kung maaalala, dinukot ang 2 magsasaka na pinagsususpetsahan ng mga awtoridad na mga komunistang rebelde, mula sa kanilang bahay sa San Ildefono, Bulacan 17 taon na ang nakakalipas. Noong 2007 nagawa nilang makatakas mula sa mga dumukot sa kanila na inakusahan nilang nag-torture sa kanila.

Sa kasalukuyan, nakadetine si Palparan sa New Bilibid Prison.

Samantala, dismayado naman ang National Union of People’s Lawyer (NUPL) sa naging desisyon ng korte. Ang grupo kasi ang nagsilbing private prosecutor sa mga consolidated criminal cases laban kay Palparan at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.

Kinondena naman ng human rights group na Karapatan ang pagbasura sa mga kaso ni Palparan na nagbabalewala aniya sa paghihirap na dinanas ng mga biktima.

Si Palparan ay binansagan ng mga aktibista na “The Butcher” dahil sa kaniyang deadly crckdown sa mga suspected communists sa ilalim noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.