-- Advertisements --

Kinumpirma ni dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na nasa maayos na kalagayan si dating Marine Sgt. Orly Guteza.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sa dating mambabatas, inilahad nito kung paano nakipag-ugnayan si Guteza sa kaniya, halos dalawang linggo na ang nakakalipas upang kumpirmahin na siya ay nasa maayos na kalagayan.

Ayon kay Defensor, mahabang panahon din na hindi niya nakausap ang dating sarhento kasunod ng una niyang paglabas sa Senado, hanggang sa tuluyan pang sabihin sa kaniya ng isang kakilala na pinatay na ang dating Marine sergeant.

Gayunpaman, napanatili naman umano ni Guteza ang kaniyang ligtas na kalagayan, saan man siya naroon sa ngayon.

Ayon pa kay Defensor, hindi siya interesadong malaman ang kasalukuyang kinaroroonan ng dating sundalo sa ngayon, para na rin sa kaniyang sariling kaligtasan.

Nanindigan ang dating mambabatas na ang ginawa ni Guteza ay dahil sa kaniyang pagnanais na maibunyag ang umano’y korapsyong nangyayari sa flood control projects ng gobiyerno.

Gayunpaman, nakakalungkot aniya na mistulang pinipigilan pa siya ng gobiyerno.

Maging siya rin umano (Defensor) ay nakakaramdam ng galit dahil batid nila ang lawak ng kaalaman ni Guteza sa mga ibinunyag niyang impormasyon ngunit siya pa umano ang mistulang inaatake.