Naaalarma ang Bureau of Immigration(BI) sa umanoy paglabas ng sex tourism sa bansa sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga naaarestong sex offenders na nagtatangkang makapasok sa Pilipinas.
Maalalang sa mga nakalipas na buwan kasi ay marami ang mga naharang na dayuhang una nang na-convict bilang sex offenders sa kani-kanilang bansa.
Pinakahuli dito ay ang isang US citizen na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinilalang si Terry Lynn Spies.
Siya ay naharang noong November 3 matapos siyang nagtangkang pumasok sa bansa mula sa Taiwan at agad ding napa-deport sa US.
Batay sa record ng BI, si Spies ay isa lamang sa 140 na dayuhang hindi pinayagang makapasok sa Pilipinas. Ang 140 na dayuhang ito ay pawang na-convict dahil sa ibat-ibang mga sex crimes.
Ayon kay Tangsinco, posibleng nagbabalik ang Sex Toursim sa bansa dahil sa tuluyan nang pagbubukas ng Pilipinas, matapos ang COVID-19 pandemic.
Dahil dito, hinihigpitan aniya nila ang kanilang koordinasyon sa ibat ibang mga ahensiya ng pamahalaan para makakuha ng mas klarong profile ng mga sex offenders na nagtatangkang makapasok sa Pilipinas.
Sa ilalim ng Philippine Immigration Act of 1940, ang mga indibidwal na una nang na-convict sa mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude, kasama na ang mga sex offenders, ay hindi papayagang makapasok sa Pilipinas.