-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan ng Manila Police District na kanilang hinihintay ang magiging resulta ng autopsy report ng 10 years old na batang nasawi matapos na magpatuli sa isang clinic sa Tondo, Maynila.

Ayon sa MPD, ito ang kanilang pagbabasehan sa pagdedesisyon kung anong kaso ang maaaring ihain sa nagpakilalang doktor na nagsagawa ng operasyon.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na isang midwife ang nagsagawa ng operasyon sa bata na nagpakilalang lisensyadong doktor.

Matapos ito ay kinumbulsyon ang bata at dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival kalaunan.

Ayon kay MPD Public Information Office Head Maj. Philipp Ines, patuloy ang kanilang isasagawang imbetigasyon hinggil sa naturang usapin.

Nilinaw rin nito na tuloy ang kaso laban sa midwife anuman ang maging resulta ng awtopsiya.

Nanawagan naman ang pamilya ng bata ng kaukulang hustisya para sa pagkawala nito.