Inihayag ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na magpapatupad siya ng “restructuring” sa ilang ahensya ng Pambansang Pulisya.
Ipinahayag ito ni Azurin kasunod ng pagsusumite ng kaniyang courtesy resignation kasama ang ilan pa niyang mga tauhan na may ranggong koronel at heneral.
Aniya, kabilang sa nasabing mga ahensya ay ang Internal Affairs Service (IAS), Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), at PNP Drug Enforcement Group (PDEG) na sasailalim sa “restructuring” bilang mga “frontline agency” ng Philippine National Police para sa internal cleansing program at kampanya nito kontra illegal na droga.
Layunin nito na mas pag-ibayuhin pa ang disciplinary machinery ng nasabing mga kagawaran para sa mas mabilis aniya na disposition ng mga kaso bilang bahagi na rin aniya ng pagbibigay ng proteksyon sa integridad ng buong kapulisan.