Magpupulong ulit ang mga Metro Manila mayors para pagdesisyunan kung sila ba ay magpapatupad ng travel restrictions sa mga kabataan na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19, ayon kay Interior Secretary Eduardo Año.
Ayon kay Año, sinabihan siya ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na tatalakayin ng mga alkalde ang naturang usapin kasunod ng pagkakapositibo ng 2-taong gulang na lalaki sa COVID-19 sa isinagawang rapid antigen test.
Nabatid na ang naturang bata ay nagtungo sa mall bago natuklasan na siya ay positibo sa COVID-19.
Iginiit ni Año na hawak ng mga local government units ang desisyon kung sila ba ay magpapatupad ng mga restrictions sa mga kabataan na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 kung sakali na ito man ay kakailanganin.
Sa ngayon, iniimbestigahan na rin aniya ang report hinggil sa batang nagpositibo sa COVID-19 para malaman kung ito ba ay false negative o hindi.
Nauna nang tiniyak ng Department of Health sa publiko na ang kasong ito ng naturang bata ay hindi makakaapekto sa Alert Level 2 na nakataas ngayon sa Metro Manila.