Minamadali na ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) ang pagresolba sa kasong administratibo laban kay Police Master Sergeant Jonel Nuezca.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, ang kaso ni Nuezca ay tatapusin sa katapusan ng linggong ito at pagdating ng Lunes ay inaasahang lalabas na ang resolusyon sa kaso.
Paliwanag naman ni Sinas, si National Capital Region Police Office acting director Police Brigadier General Vicente Danao ang magpapasya kung susunod siya sa rekomendasyon ng IAS dahil si Nuezca ay nasa hurisdiksyon ng NCRPO.
Si Nuezca ay naka-assign sa Parañaque City Police Crime Laboratory.
Nabatid na ngayong araw ang pre-hearing ng kaso ni Nuezca.
Sa ngayon si Nuezca ay nasa custody na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Paniqui, Tarlac, matapos patayin ang mag inang Sonya at Frank Anthony Gregorio dahil sa away sa “boga” at right of way sa bahay.
Nailibing na rin bago mag bagong taon ang mag-ina.