Naisumite na ng Department of Agriculture (DA) sa Malacañang ang resolution para taasan ang minimum access volume (MAV) para sa aangkatin na karne ng baboy.
Sinabi ito ni Agriculture Sec. William Dar sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food hinggil sa problema sa presyo ng pagkain.
Ayon kay Dar, mula sa annual MAV na 54,000 metric tons para sa karne ng baboy, iminumungkahi nila sa Malacañang na itaas ito sa 404,210 metric tons para ngayong taon.
Pirma na lamang aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay para maipatupad ito.
“The process is now ongoing for the approval of the proposed MAV plus increasing the total MAV to 404,210 MT. Last night, we have submitted to Malacañang the resolution by the MAV management council recommending an increase in the MAV for pork for the MAV year 2021,” ani Dar.
Base sa Republic Act No. 8178, sakaling mayroong shortages o abnormal price increase sa mga agricultural produces, maaring magmungkahi ang Presidente sa Kongreso ng mga revisions, modifications o adjustments sa MAV.
Samantala, isinasapinal pa naman sa ngayon ng Philippine Tariff Commision ang kanilang report sa proposal na ibaba ang ipinapataw na taripa para sa mga imported meat products sa loob ng isang taon.
Noong nakaraang linggo, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 124 para magpatupad ng price cap sa karne ng baboy.
Ito ay matapos na sumirit ang presyo ng naturang mga produkto dahil sa mababang supply ng karne ng baboy bunsod ng African swine fever.










