-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Sinariwa ngayon ng mga environmentalist sa probinsya ng South Cotabato ang malaking papel ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Gina Lopez.

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa isa sa mga kilalang environmentalist sa probinsya at malapit na kaibigan ni Lopez na si dating South Cotabato board member Romulo Solivio, sinabi nitong malaki ang naitulong ni Lopez sa panawagan na pigilan ang coal mining sa Brgy. Ned Lake Sebu at open pit mining naman sa bayan ng Tampakan, South Cotabato.

Naging boses din aniya si Lopez ng mga Lumad upang ipaabot ang kanilang pagtutol sa anumang uri ng pagmina na posibleng makasira sa kapaligiran.

Samantala itinuturing naman ni Father Jerome Millan, direktor ng Social Action Center ng Diocese of Marbel na malaking kawalan ang pagkamatay ng dating kalihim na kasabay nilang nanawagan na pigilan ang anumang uri ng pagmimina na may masamang epekto sa kapaligiran at sa kalusugan ng mamamayan.