Naghain ng House Resolution si Deputy Speaker at Las Pinas Rep. Camille Villar, na layong imbestigahan ang ang paglaganap ng mga scammer na nag-aalok ng mga kahina-hinala at mga pekeng trabaho sa abroad na bumibiktima sa mga kabataang Pilipino.
Sa inihaing House Resolution No. 899 ni Congresswoman Villar, sinabi nito na dapat na magkaroon ng “full-blown investigation” upang matukoy at maaresto ang mga scammer at nasa likod ng talamak na illegal recruitment.
” There have been countless reports of Filipinos being victimized by local placement agencies for non-existent jobs abroad and syndicates offering high-paying jobs but thye jobseekers ends up in a dubious cryptocurrency group,” pahayag ni Rep. Villar.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi na mabilang ang mga ulat tungkol sa mga Pinoy na nabibiktima ng mga sindikato at mga local placement agencies na nag-aalok ng mga pekeng trabaho sa ibang bansa kapalit ang naka-eengganyo ngunit mapanlinlang na mataas na halaga ng sweldo.
Pinayuhan naman ni Villar ang mga job seekers na mga kabataan, na huwag maniwala sa mga human traffickers na nagpopost at nagkokomento sa mga social media para makahanap ng kanilang mabibiktima.
Kamakailan lamang, anim na Pilipino ang nasagip ng Bureau of Immigration na pawang biktima ng cryptocurrency ring na nag-ooperate abroad.
Batay sa ulat nasa P40,000 ang sahod na inaalok sa mga Pilipino habang ang iba ay aabot sa $800 hanggang $1,000 ang sahod pero aalis sila ng bansa bilang turista.