Mas pinalakas at pinaigting na search and rescue operation ang focus ng Joint Task Force (JTF)-Sulu para mailigtas ang anim na kidnap victims ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Ito’y matapos makumpirma na nasa Sulu na ang limang Indonesian victims na dinukot sa karagatan ng Malaysia at ang panibagong dinukot na doktor sa Barangay Walled City, Jolo, Sulu, kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WesMinCom) commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, kaniyang sinabi bagama’t may ideya na sila sa general area na pinagdalhan sa mga kidnap victims, nais pa rin nila matukoy ang specific area upang maging matagumpay ang ikakasang rescue operation.

Ayon kay Sobejana, may sightings na sa mga kidnap victims lalo na ang mga Indonesian fishermen kung saan tatlo sa mga abductors nito ay napatay sa military operation kamakailan lamang.

Kagabi naman, dinukot si Dr. Daniel Moreno na Christian-Tausog ng apat na teroristang ASG.

Naniniwala si Sobejana na dahil maraming bandido ang sugatan kaya nangangailangan sila ng doktor dahilan para dukutin si Dr. Moreno.

Sa ngayon, naka-standby na ang special unit ng JTF-Sulu para maglunsad ng rescue operation.

Nakipag-ugnayan na rin ang WesMinCom sa kanilang mga counterpart sa Malaysia at Indonesia na palakasin din ang kanilang pagbabantay dahil ang mga insidente ng pagdukot ay nangyayari labas ng hurisdiksyon ng Pilipinas.