Patuloy pa rin ang ginagawang rescue operation sa Taiwan kasunod ng magnitude 7.4 na lindol kahapon ng umaga, April 3, 2024.
Mayroon pa raw mahigit 600 na katao ang nangangailangang i-rescue matapos ma-stranded sa mga tunnel, minahan, at bundok.
Tumaas daw ang mga naitalang na-stranded mula 100 hanggang mahigit 640 matapos maibalik ang phone signal sa lugar.
Ang iba sa mga na-stranded ay hindi rin makadaan sa mga kalsada dahil ang ibang tulay ay gumuho bunsod nga malakas na lindol.
Ayon sa ulat, na-air-drop na ang mga food supply sa mga stranded na residente.
Sa Hualien City naman na malapit sa epicenter ng lindol, gumamit na ng excavators at iba pang heavy equipment ang mga rescuer para tuluyang i-demolish ang mga nasirang establisyemento.
Bahagyang naantala ang rescue operations dahil sa mahigit 200 na aftershocks. Ang iba pa nga ay hindi bababa sa 6.5 magnitude.
Hindi pa inaalis ng mga awtoridad sa Taiwan ang posibleng aftershocks sa mga susunod na araw.