Sinisikap na umano ng Embahada ng Pilipinas sa Qatar na mapauwi sa lalong madaling panahon ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na naabutan ng expiration ng residence permit hanggang makansela ang visa dahil sa COVID-19 lockdown.
Magugunitang lumapit sa Bombo Radyo ang ilang OFWs sa Qatar dahil tatlong buwan na silang walang trabaho at paso na ang kanilang IDs at gusto na nilang ma-repatriate.
Lumapit na daw sila sa POLO pero pinayuhan lamang silang i-renew ang kanilang IDs at visa o magbayad ng 1,200 Riyals na katumbas ng nasa P15,000.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Qatar Alan Timbayan, nagpadala na sila ng representasyon sa Ministry of Interior at nagbigay na rin ng note verbale sa Foreign Ministry para hindi na pagbabayarin ng penalty o multa sa nagpasong mga ID pag sila’y ni-repatriate.
Inihayag ni Amb. Timbayan na nagtatagumpay naman sila sa mga nagdaang pakikipag-usap kaya marami na sa mga OFWs ang nabigyan ng exit visa at napauwi na walang binayarang multa.